Itinanggi ng Nueva Ecija Provincial Police Office sa pamumuno ni Police Superintendent Antonio Yarra ang paratang ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon na dinukot ng pinagsanib pwersa ng mga militar at pulis ang kanilang organisador na si Rommel Tucay.
Sa ekslusibong panayam kay Police Senior Inspector Gemma Lomboy, Public Information Officer ng NEPPO, nilinaw nito na hindi kinidnap ng mga otoridad si Tucay.

Ang baril kasama ng mga bala, Granada, gamit sa pampasabog na mga nakuha umano ng otoridad kay Rommel Tucay.
Inaresto aniya ito ng pinagsamang team ng Charlie Company ng 56th Infantry Battalion ng 7th Infantry Division of Philippine Army, Provincial Public Safety Company, at Carranglan Police Station sa bisa ng Alias Warrant of Arrest para sa kasong Homicide na inisyu ni Judge Corazon Saluren ng Regional Trial Court Branch 96, Baler, Aurora na may petsang June 29, 2011.
Sa report ng pulisya, sinasabing miyembro ng New People’s Army si Ramil Tucay y Bustamante na mas kilala umano sa pangalang Rommel Bustamante Tucay at iba’t iba pang alyas.
Lumalabas rin na nang dakpin ito ay nakumpiskahan ng isang 9mm na baril kasama ng mga bala nito, Granada, pampasabog, cellphone na naka-attached sa triggering device, at mga subersibong dokumento, kaya sinampahan ng mga kasong Violation of Republic Act 10591 Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at RA 9516 Explosives Act noong March 24, 2017.
Pansamantalang idinetine sa PPSC si Rommel Tucay natumagal ng isang linggo pagkatapos ay inilipat sa San Jose City Bureau of Jail Management and Penology kung saan ito kasalukuyang nakakulong.- ulat ni Clariza de Guzman