Pabor ang mga sports coordinator na makapaglaro sa darating na season ng Nueva Ecija Collegiate Sports League o NECSL Season 6 ang mga senior highschool na may edad 17.

Ito ay matapos na ibukas ni Johann Ocampo, Chairman ng NECSL sa 1st meeting ng nasabing paliga ang unang problema na kinakaharap ng kanilang opisina.

Mga sports coordinator ng iba’t-ibang kolehiyo at unibersidad sa Nueva Ecija habang pinag-uusapan ang mga regulasyon sa NECSL Season 6 ng Pamahalaang Panlalawigan.

Paliwanag ni Ocampo, maraming athletes na senior highschool ang hindi nakakasali sa mga palaro tulad ng CLRAA, PRISAA at SCUAA.

Napagdesisyunan din ng grupo na tig-limang manlalaro lamang mula sa senior highschool ang maaaring mapabilang sa isang koponan.

Ayon kay J. Boticario ng ACLC Gapan City, malaking tulong sa kanilang eskwelahan ang pag-apruba na makasama ang senior highschool ngayong taon.

Bukod dito, mahigpit na ipinagbabawal ng sports committee ang age limit at eligibility ng isang manlalaro sa basketball at volleyball.

Isinarado ng komite sa 17-25 years old ang edad ng mga atleta at mayroong 1 semester eligibility sa eskwelehan na kanilang pinapasukan bago sila makapaglaro sa paliga.

Nilinaw ni Ocampo na kapag napatunayan na lumabag sa kasunduan ang coach at manlalaro ay mawawalang bisa ang lahat ng laban.

Sa ngayon ay mayroon ng 10 teams sa Men’s Basketball na posibleng lalahok ngayong taon na kinabibilangan ng Wesleyan University-Philippines, College of Immaculate Concepcion, College of Research and Technology, ACLC-Gapan City, General de Jesus College, La Fortuna College, Our Lady of Fatima University, ABE College, MV Gallego Foundation College, at Our Lady of the Sacred Heart College.

Habang may 9 teams naman ang maaaring sumali sa Men’s and Women’s Volleyball na kinabibilangan ng Nueva Ecija University of Science and Technology, Wesleyan University-Philippines,  College of Immaculate Concepcion, MV Gallego Foundation College, La Fortuna College, Our Lady of Fatima University, ABE College, ACLC-Gapan City, at Our Lady of the Sacred Heart College.

Samantala, naging malinaw at maayos naman ang mga napag-usapan sa unang pagtitipon-tipon ng mga sports coordinators para sa nalalapit na NECSL Season 6 na gaganapin sa buwan ng Setyembre.

Nakatakda rin sa August 3, ala-una ng hapon ang susunod na pagpupulong sa Auditorium ng Old Capitol Building kasabay ang pinal na pagpapasa ng mga dokumento ng mga manlalaro.- Ulat ni Shane Tolentino