Itinampok sa Regional Science and Technology Week ng DOST o Department of Science and Technology-Region III ang mga exhibits at imbensyon mula sa iba’t ibang probinsya ng Central Luzon na nagpaligsahan para sa prestihiyosong award bilang Regional Invention Contest and Exhibits o RICE winner.

Ang tatlong araw na selebrasyon ng Science Week na ginanap sa Central Luzon State University mula Hulyo a bente singko hanggang Hulyo a bente syete ng taong kasalukuyan ay may temang “Science for the People”.

Bahagi ng unang araw ng selebrasyon ang Awarding ng Provincial and Regional winners for the best SETUP o Small Enterprise Technology Upgrading Program Adoptors.

Ayon kay Dr. Julius Caesar Sicat, Regional Director ng DOST, nais nilang magfocus sa World Class at Region based Science and Technology, kaya naman kabilang sa mga itinampok sa selebrasyon ang output sa larangan ng Agham at Teknolohiya ng Science City of Muñoz bilang nag-iisang Lungsod Agham sa Pilipinas.

Nagsilbi namang Pangunahing Tagapagsalita si DOST Secretary Fortunato Dela Peña, na nagbigay pagkilala sa pagsulong ng siyensa at makabagong teknolohiya sa Lungsod na nagdulot ng pag-usbong at pagbubukas ng industriya ng pagnenegosyo.

Samantala, bahagi din ng tatlong araw na pagdiriwang ang pagkakaroon ng mga Seminars at Forum, at demonstrasyon ng mga makabagong teknolohiya.— Ulat ni Jovelyn Astrero