Tinalakay sa kauna-unahang Regular Session ng Provincial Solid Waste Management Board ang pagtatayo ng Sanitary Landfill sa lalawigan, upang maipatupad ang maayos na sistema sa pamamahala ng mga basura.

Ikinakasa na ng Pamahalaang Panlalawigan, sa atas ni Gov. Cherry Umali, kasama ang Local Government Unit’s (LGU’s), Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), Provincial Health Office (PHO) at provincial Engineering Office (PEO) ang pagtatayo ng dalawang Sanitary Landfill sa magkabilang bahagi ng probinsiya.

Sa proposal ng IPM Group of Companies isang kumpanya na nagsasagawa ng waste management. Ipwepwesto ang landfill sa mga bayan ng Cuyapo at Gen. Tinio. Ang Cuyapo ang magsisilbing host ng Dist. 1 and 2, habang ang Gen. Tinio ang magiging host ng Dist. 3 and 4.

Inihayag din ng IPM na umaabot sa mahigit isang libong tonelada basura mula sa apat na distrito ng Nueva Ecija ang naitatapon kada araw. Sa sobrang dami nito, milyon-milyong pondo ang naibabayad ng mga munisipyo sa mga pribadong kumpanya.

Sa tala ng Environment and Natural Resources Office (ENRO) ng Nueva Ecija, bente kwatrong munisipyo sa lalawigan ang kasalukuyang may kontrata sa kumpanyang Metroclark Waste Management Corporation na siyang humahakot ng kanilang mga basura.

Ayon kay ENRO Willy Pangilinan, kung magkakaroon ng Sanitary Landfill sa loob ng probinsiya malaki ang matitipid ng mga munisipyo sa paglalaan ng pondo para sa maiayos ang pagsasalansan ng mga basura.

Ito ay sa ilalim ng PPP o Public and Private Partnership. Inaasahan na uumpisahan ang naturang proyekto bago matapos ang taon.  –Ulat ni Danira Gabriel