Nakagawa na ng 20, 000 bags sa loob lang ng sampong araw ang 135 kababaihang miyembro ng Tanglaw at Lakas ng Nueva Ecija sa Cabanatuan City na napiling benepisyaryo ng bag making project sa ilalim ng Malasakit Livelihood Program ng Pamahalaang Panlalawigan.
Pinaka mabilis manahi si Jinky Eusebio ng barangay San Roque, dahil sa loob lang ng anim na araw ay nakabuo ito ng 600 bags kung saan kumita siya ng Php6, 000.00.
Malaking tulong ani Jinky na nagkaroon siya ng ekstrang pagkakakitaan dahil sa kasalukuyan ay wala siyang kontrata sa pinagtatrabahuhang tahian.
Sa panayam kay Riza Eusebio, Pangulo ng TALA sa barangay San Roque, ipinaliwanag nito na kanyang bilas lang na si Jinky dela Cruz ang napiling benepisyaryo sa kanilang lugar dahil ito lamang ang marunong manahi at may sariling makina.

Si Jinky Eusebio ng San Roque Cabanatuan City ay tumanggap ng Php6,000.00 matapos makagawa ng 600 bags sa loob ng isang isang linggo sa ilalim ng Malasakit Livelihood Program.
Sumunod si Irene dela Cruz ng Barangay Sumacab Sur na nakagawa ng 400 bags na binayaran sa kanya ng Php4,000.00.
Kwento ni Irene, katulong niya ang kanyang pamilya sa pagbuo ng mga bag kaya nagagawa niyang makatahi ng 150-200 bags kada araw.
Nagpapasalamat siya kay Governor Czarina Umali dahil ngayong panahon ng gawat ay napupunan niya ang baon sa eskwela ng kanyang mga anak mula sa kinikita nya sa pananahi ng bag.
Libangan naman ni Luz Garcia ng Kapitan Pepe, isang retiradong nurse ang pananahi . Kung wala umano siyang ginagawa sa bahay ay nanahi sya ng mga damit ng kanyang apo. Plano nitong i-donate sa kanilang simbahan ang kikitain sa paggawa ng bag.- Ulat ni Jovelyn Astrero