Agaw-atensiyon ang mga tradisyunal na kagamitan sa pagsasaka na ibinida ng Brgy. Aquino na kinabibilangan ng salakot, lambat , araro, singkaw, panaklayan, guyuran pamitik dahilan upang tanghaling 3rd time Champion sa 20 kalahok sa ginanap na Kariton Festival 2019 sa bayan ng Licab.

Kapansin-pansin naman ang konseptong ‘Bayanihan’ ng mga Philippines Guardians Associations  (PGBI) na nagpapakita ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mga Licabenos resulta upang maging 2nd place na nag-uwi ng 75, 000 at 50,000 pesos para sa Brgy. Casimiro bilang 3rd place at special awards ang 4ps.

Ayon kay Atty. Dante Alejandria, Municipal Adminisrator at kasalukuyang Chairman ng Kariton Festival 2019, ang pagdiriwang ng kanilang Kariton Festival ay sumisimbolo sa pagbabalik-tanaw sa kultura, tradisyon, kaugalian at kasaysayan sa bayan ng Licab.

Dagdag pa nito, nakakapawi aniya ng pagod ang makitang masaya ang kapwa Licabeños  sa tagumpay ng naturang selebrasyon.

Ipinagmamalaki naman ni Nicole Caraang, isang milenyang Licabeña ang Kariton Festival sa kanilang bayan, mapalad aniya dahil nasaksihan niya ang kakaibang  pagdiriwang sa kanilang bayan.

Ang Kariton Festival 2019 ay taun-taong ipinagdiriwang sa bayan ng Licab bilang bahagi ng kanilang 125th founding anniversary na pinangunahan ni Mayor Femy at former Mayor Willy Domingo.

Dinaluhan naman nina Raprap Villanueva, Ler De Guzman, Eric Salazar, Senior Board Member Rommel Padilla, Vice Mayor Anthony Matias Umali at Atty. Aurelio ‘Oyie” Umali.

Layon nito na maipaalala sa mga Licabeños  na mahalaga ang paglingon sa nakalipas na siyang humubog sa tradisyon at kultura sa bayan ng Licab, ipinapaalala rin sa mga Licabeños na ang kariton na hila ng kalabaw ay malaki ang naiambag sa pag-aagrikultura na siyang pangunahing hanap-buhay ng mga Licabeños.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran.