
Umabot sa halagang P2.6 Milyon ang mga bagong kagamitan na inilagak ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Central Luzon State University noong April 5, 2019.

Ito ang pangalawang Shared Service Facility (SSF) ng DTI sa ilalim ng kanilang programa sa mga MSME’s.

Kabilang sa mga bagong kagamitan ang Spray Dryer na nagkakahalaga ng P952,000, Vacuum Fryer na nagkakahalaga ng P700,000, at Frizzed Dryer na nagkakahalaga rin ng P700,000 at Vacuum Packaging Machine/Equipment.

Ayon kay Juanito Yang, Owner ng Turmeric Ginger Tea, malaking bagay sa katulad niyang Entrepreneur ang pahiram na makinarya ng DTI dahil ito ang aalalay sa mga maliliit na negosyante sa lalawigan lalo na ang mga nagsisimula pa lamang.
Dagdag pa nito, hindi naman aniya ganun ka-matrabaho ang kaniyang negosyo ngunit kung gagamitan ng teknolohiya ay mas mapapabilis ang kanilang produksyon.

Ipinaliwanag naman ni Judith Angeles, Regional Director ng DTI Region 3, na ‘Most Beneficial’ ang SSF Program sa mga Entrepreneur dahil marami ang nakinabang at makikinabang na mga Micro Entrepreneurs.
Ang SSF ang pinakamalaking proyekto ng DTI dahil sa bilyong pisong pondong inilaan ng gobyerno para rito at sa kasalukuyan ay aabot na sa halos dalawang libo MSME’s ang natulungan nito.

Layunin ng DTI na tumaas ang antas ng Pamumuhay ng mga MSME’s sa lalawigan.-Ulat ni Getz Rufo Alvaran