Courtesy of NEPPO

Nakiisa ang mahigit siyam na raang pulis mula sa iba’t ibang lugar sa Nueva Ecija sa ginanap na Absentee Voting sa NEPPO o Nueva Ecija Provicial Police Office noong Martes, April 30.

Matiyagang pumila at nakiisa sa Absentee Voting ang mahigit siyam na raang kapulisan upang mamili ng kanilang nais na iboto ngayong halalan 2019.

Sa Mensahe ng Provincial Director ng NEPPO na si Police Senior Superintendent Leon Victor Rosete, sinabi nito na ang Absentee Voting ay isang pagpapatunay na ang demokrasya sa ating bansa ay gumagana at umiiral pa rin.

Bukod sa mga kapulisan, ang Absentee Voting ay para rin sa mga OFW o Overseas Filipino Worker, mga sundalo, Media Practitioner at mga Government Employees na hindi makakaboto sa araw ng eleksyon dahil sa ito ay naka-deploy sa araw na iyon.

Tanging posisyon sa pagka senador at party-list lang ang maaaring iboto ng mga kasali sa naturang Absentee Voting.

Ayon pa kay Police Senior Superintendent Rosete, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang mga operasyon kontra krimen kahit na nalalapit na ang halalan.

Mahigpit din nilang babantayan ngayong nalalapit na eleksyon ang mga bayan ng Guimba, Carranglan, Natividad, Bongabon, Sto. Domingo, Aliaga at Rizal dahil ito ang mga bayan na madalas nagkakaroon ng kaguluhan kapag mag-eeleksyon.

Kaugnay na din ng nalalapit na eleksyon pinaalalahanan din ni Rosete ang mga Novo Ecijano na pumili ng karapatdapat na kandidato na tutulong at magpapataas ng antas ng pamumuhay ng bawat isa.  Ulat ni Shane Tolentino/Lerie Sabularce.