Tinalakay  ang sampung puntong  agenda  mga magsasaka na naglalaman ng mga  kahilingan o demands sa mga kandidato sa nasyonal at lokal sa ginanap na Peasant Electoral Agenda 2019 na inihanda ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas   o KMP at Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luson o AMGL- Nueva Ecija.

Una, pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa; itaguyod ang interes at karapatan sa kabuhayan ng mga manggagawang bukid; pagpapatigil ng militarisasyon sa kanayunan; pagpapababa ng tantos ng usura; ipatupad ang libre, sapat, at mahusay na sistema ng patubig;  ibasura ang Rice Tarrification Law at mga patakarang liberalisasyon sa agrikultura;  itaguyod ang interes at kapakanan ng mga pambansang minorya, kabataan at kababaihan;  magpatupad ng libre, progresibo at komprehensibong sistema ng edukasyon at kalusugan;  itaguyod at ipagtanggol ang mga batayang karapatang tao ng mga mamamayan. at panghuli ay isulong ang kapayapaan, ipaglaban ang patrimonya at pambansang soberanya ng bansa.

Ayon sa acting Chairman ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luson na si Ignacio ‘Asyong’ Ortiz,  Inaasahan nila na may tutulong sa kanila upang maging katuwang sa pag sulong ng interes ng mamamayan at patuloy na pagsuporta sa mga magsasakang walang hanap-buhay sa probinsya.

Ito ay dinaluhan ng Mahigit 500 magsasaka mula sa ibat ibang bayan ng Nueva Ecija kabilang ang kinatawan ng Anakpawis Partylist na si Rafael Mariano at mga  ilang kandidatong lokal.

Nanindigan naman  ang tumatakbong mayor ng Cabanatuan City na si Philip Piccio na kontra umano ito sa mainit na isyu sa Rice Liberalization and Tariffication law. Dapat aniyang ibasura ang batas na ito na wawasak sa mga magsasaka, ganito rin ang pahayag ng kinatawan ni Governor Oyie Umali na si Arthur Ponce.

Kaisa naman ng mga magsasaka ang mga dumalo na tumatakbong konsehal na sina Konsehal Juanito Derone, Jomar Manubay ng bayan ng Aliaga at Kapitan Pol Alcantara ng bayan ng Guimba.

Nanawagan naman ang tumatayong pangulo ng AMGL at 5th Nominee ng Anakpawis Partylist  na si Joseph Canlas na ibasura ang Rice Liberalization o Tarrification Law o RA 11203, palakasin ang agrikultura at maglaan ng malaking pondo ang gobyerno para sa suporta sa kabuhayan at sa mga magsasaka bilang sila ang gulugod  sa pag-unlad ng agrikultura ng bansa.

Kaugnay nito ay nagkaroon naman ng pirmahan sa bulwagan ng Wesleyan University-Philippines, bilang tanda ng pangako ng pagtindig at pakikiiisa ng mga kandidato sa agenda ng mga magsasaka kung sakaling palaring maluklok sa puwesto ang mga ito.

Layunin nito na maisulong ang interes ng mga magsasaka partikular ang mga manggagawang bukid na tinamaan ng matinding krisis na ipinatutupad ng gobyerno dahil sa makabagong mekanisasyon sa agrikultura at mga programang neo-liberal ng gobyerno na papatay sa kabuhayan ng mga magsasaka lalo pa’t ang Nueva Ecija ang tinaguriang Rice Granary of the Philippines.-Ulat ni GETZ RUFO ALVARAN