Ipinanukalang i-ban ng ilang konsehal ang video coverage ng media sa Regular Session ng Sangguniang Panlungsod (SP) ng Cabanatuan, noong lunes, May 27, 2019.
Nagmula ang kahilingan kina Kon. Ruben Ilagan V at Kon. Rosendo Del Rosario Jr na naging rason upang palabasin sa loob ng session hall ang DWNE-TV48 at DWJJ na nagcocover ng Ika-20 Regular Session.
Ang katwiran ng dalawang konsehal, nakapagbibigay di umano ng maling impormasyon ang pagrerecord ng video.
Ipinagtanggol naman ni VM Anthony Umali ang dalawang media outfit.
Matapos na hindi makapagbigay ng matibay na basehan ang mga nagpanukalang konsehal ay muling pinabalik ni VM Umali ang mga cameraman.
Ayon sa Pangalawang Punong Lungsod, hindi marapat na pagbawalan o palabasin ang media o sino mang ordinaryong mamamayan sa loob ng session hall dahil ito ay pampublikong pagpupulong.
Base sa isinasaad ng Bill of Rights, Section 4, Article III, walang batas ang nararapat na ipasa na makapagsisikil ng malayang pamamahayag sa bansa.
Sa ilalim din ng Freedom Of Information (FOI) Executive Order No. 2, S. 2016 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte, binubuksan nito sa publiko ang mga impormasyon upang manaig ang transparency at accountability sa lahat ng gawain ng mga opisyal ng gobyerno.
Bukod pa dito, noong December 2016, inaprubahan ng kapulungan ang kahilingan ng Nueva Ecija Press Club Inc. (NEPCI) na bigyan ng permiso na makasaksi at makapagcover ng mga session at hearing ng SP.
Tutol naman si Sonia Capio, Presidente ng Central Luzon Media Association (CLMA) SOLID at Chairman ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) Nueva Ecija Chapter, sa hindi makatwirang pagpapalabas sa mga cameraman dahil ito ay isa aniyang paglabag sa Freedom Of Information.
Dagdag pa niya, ang media ang tinaguriang “fourth state” na nagsisilbing tiga check and balance ng hinalal na mga opisyal.
Paglilinaw ni Capio, hindi hangad ng mga media na makipag-away sa mga opisyal ng gobyerno.
Umaapela naman si Junjun Sy, Presidente ng NEPCI sa mga konsehal na kung ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin ay ganun din ang mga mamahayag na nagbibigay ng impormasyon sa mamamayan. –Ulat ni Danira Gabriel