Pandagdag ng baon sa eskwela ang hangad ni Gracy Mae Baldovino na papasok bilang grade 10 high school student ngayong pasukan, kaya’t hindi siya nagdalawang isip na kumuha ng qualifying exam upang magbakasakali na mapabilang sa scholarship program ng pamahalaang Bayan ng Talavera.
Gusto niyang matulungan ang magulang na isang OFW.
Isa si Gracy Mae sa isang libo at limang daang estudyante ng sekondarya na sumalang sa pagsusulit upang makakuha ng tulong pinansiyal sa ilalim ng scholarship program ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Nimfa San Pedro, isa sa Coordinator, ang programang pang edukasyon ng Pamahalaang Bayan ay sinimulan noon pang taong 2005 ni Former Mayor at Administrator Nerito Santos na ipinagpapatuloy ngayon ng kaniyang anak na si Mayor Nerivi Santos-Martinez.
Bukod sa high school, ay nagbibigay din sila ng educational assistance sa mga estudyante ng kolehiyo at Special Education (SPED).
Base sa tala ng Talavera, 1,005 na high school students, 155 na college students at 100 SPED students ang natulungan ng programa noong nakaraang School Year 2018-2019.
Ang bawat iskolar ng high school ay nakatatanggap ng P1,000, habang P2,500 naman sa mga iskolar ng kolehiyo at SPED.
Inaasahan na sa buwan ng hulyo lalabas ang resulta ng eksamininasyon. –Ulat ni Danira Gabriel