Barya-baryang rollback ng produktong petrolyo, walang epekto ayon sa tricycle drivers
MULING nagbawas presyo noong (Martes) Sept 13 ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ito ang inanunsyo ng mga kompanya ng langis na hindi gaanong ikinasaya ng mga motorsita.
Sa inilabas na abiso na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum nagpatupad sila ng bawas-presyo na P0.45 sa kada litro ng gasolina, P1.45 sa kada litro ng diesel at P1.70 sa kada litro naman ng kerosene epektibo noong alas-6:00 ng umaga ng Martes.
May bawas-presyo rin sa kahalintulad na halaga ang Caltex (CPI) epektibo alas-12:01 ng madaling-araw habang ang kompanyang Cleanfuel ay epektibo alas-8:01 ng umaga.
Ang ipinatupad na barya-baryang bawas presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa tricycle driver na si Efren Villanueva Jr.walang epekto sa kanila ang bawas presyo dahil ang liit umano nito, halos sentimo lamang. Mas mainam anya sana kung kahit P5 man lang pataas kahit papaano ay madaragdagan ang kanilang kita sa pamamasada.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo, nagkaroon ng rollback sa presyo ng produktong petrolyo,
Ang bawas-presyo ay bunsod umano ng pangamba sa recession sa Europa at Amerika, gayundin ng mga lockdown sa China bunsod ng COVID-19.
Mas maliit ang mga halaga sa estimate dahil umano sa ipinatong na premium at dagdag-freight.
Hindi naman matiyak ng Department of Energy kung magtutuloy-tuloy ang rollback dahil puwedeng sumipa ulit ang demand o magkulang ang supply sa mga susunod na linggo.