PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG NUEVA ECIJA, PATULOY ANG RELIEF OPS SA MGA BIKTIMA NI KARDING

Patuloy ang Provincial Government of Nueva Ecija sa pamammahagi ng tulong sa mga mga Novo Ecijano na sinalanta ng Bagyong Karding sa pamamagitan ng isinasagawang relief operation sa bawat barangay.

Noong nakaraang biyernes oktubre 7 ay nabigyan ang 3 Barangay ng San Leonardo ng halos limang libong pack ng bigas.

Ito ay ang mga Barangay ng San Anton, San Roque at Castellano.

Ipinagpapasalamat naman ni Nanay Norma ang kanilang natangap na bigas dahil napakalaking tulong ito para sa kanila.

Kwento niya noong panahon ng malakas na hangin at ulan nawasak ang kanilang bahay, kaya nakisilong na lang sila sa kapitbahay.

Tanging pamamalimos at pangangalakal aniya ang kanilang ikinabubuhay.

Sa kabila ng kahirapan pilit pa ring ngumingiti para muling makabangon at lumaban para mabuhay.

Ipinagpapasalamat nila ang pamamahagi ng bigas ng kapitolyo dahil hindi na sila bibili ng kalahating kilo para lang may maisaing.

Sa Bayan naman ng Jaen ay umabot sa halos 5,000 packs ang naipamahagi sa mga Barangay ng Langla, Dampulan at Barangay San Vicente.

Ito ay pinangunahan ni Vice Governor Doc Anthony Matias Umali, kasama si Vice Mayor Atty. Silvestre Austria at Sangguniang Bayan ng Jaen.

Ayon sa Bise Gobernador sa panahon ng pandemya at ito ngang Bagyong Karding ay halos nawalan na ng pag-asa ang mga Novo Ecijano.

Subalit iisa lamang ang nilapitan ng bawat isa ang manalangin at humingi ng tulong sa maykapal.

Kaya nais iparating nila ni Governor Aurelio Umali at ni Vice Doc Anthony na mabigyan ng pag-asa ang mga mamamayan upang kahit papaano ay maibsan ang kanilang kalungkutan at iparamdam na hindi sila nag-iisa dahil patuloy na naka-agapay ang Pamahalaang Panlalawigan.

Kaya ayon sa Bise Gobernador, pagkatapos ng naranasang unos ng mga Novo Ecijano, pangako nila ni Gov Oyie na matulungan at makabangon muli ang mga Novo Ecijano.

Sa pag-uwi ng mga nakatanggap ng ayuda ng kapitolyo ay baon nila ang pag-asa at pangako na patuloy silang tutulungang makabangon at higit sa lahat pasasalamat para sa malasakit at pagmamahal ng Pamahalaang Panlalawigan sa kanila.