EMPLEYADO, PWEDENG BAYARAN KAPAG NAGKASAKIT SA TRABAHO

Babayaran ng Government Service Insurance System o GSIS ang isang empleyado ng gobyerno na nagkasakit dahil sa kanyang trabaho sa pamamagitan ng Employees Compensation Benefit.

Ayon kay Jinky Hipolito, Division Chief ng GSIS-Cabanatuan Branch, pinoprotektahan nito ang isang miyembro ng ahensiya laban sa pagkakaroon ng sakit, aksidente at pagkamatay kung saan tatanggap ng benepisyo ang mga naulila depende sa medical evaluation ng mga doctor upang malaman ang grado ng kanilang disability.

Sa ilalim ng Presidential Decree 626, kabilang sa mga sakit ng ECB ay ang Cataract, Cancer, Dermatitis, Tuberculosis, Rabies, Leukemia and lymphoma, Cardio-vascular diseases, Osteoarthritis, hypertension at ang pinakabagong nadagdag sa listahan ay ang COVID-19.

Inihalimbawa dito ni Hipolito ang mga tinamaan ng naturang virus na napabilang saTemporary Total Disability ay nakatanggap ng P200 per day base sa dami ng kanilang quarantine. Kung sakaling naospital ang isang pasyente ay maaari namang ma-reimburse ang mga nagastos medikal.

Ang mga government workers naman na nasa kategorya na Permanent Total Disability o wala nang kakayahang bumalik sa trabaho sanhi ng aksidente o pagkakasakit ay makakakuha ng pension habang buhay habang ang mga makakarecover sa normal function nito ay mabibigyan sa panahon lamang ng kanyang gamutan o therapy.

Samantala, kung naaprubahan ng mga evaluator ang mga ipinasang dokumento ng mga kawani na nagkaroon ng karamdaman ay maaari lamang maghintay ng 20 working days bago makuha ang bayad mula sa GSIS.

Nagbigay ng paalala si Hipolito na kinakailangan na mai-file ang employees compensation claim sa loob ng tatlong taon upang maiwasan na maexpire dahil hindi na maaaring maghabol ang benepisyaryo kung sakaling lumagpas ito sa takdang oras.

Sa mga may katanungan ay maaaring sumangguni sa GTAP/ Citizens Charter na maa-access sa pamamagitan ng Gtouch application na maida-download sa inyong cellphone at website www.gsis.gov.ph o kaya naman ay tumawag sa kanilang hotline number 0906-371-5699 o 0922-758-1499.