NOVO ECIJANONG WORKING STUDENT NA NANGARAP MAGING EXCHANGE TEACHER, NASA AMERICA NA

Dream come true para kay Sir Jowel Pablo ng Sta. Rosa, Nueva Ecija ang makatuntong sa United States of America bilang isang exchanged teacher sa Texas.

Ayon kay Sir Jowel, ang Exchanged Teacher ay isang programa sa pagitan ng America at ibang mga bansa katulad ng Pilipinas na naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipinong guro na makipagpalitan ng kultura at karanasan.

Sa pamamagitan ng programa ay matututunan aniya nito ang sistema ng edukasyon sa America, paano gumawa ng curriculum o programa ng paaralan at maranasan ang mga makabagong teknolohiya at pasilidad sa naturang bansa at upang mas mahasa ang kanyang stratehiya at teknik sa pagtuturo.

May limang taong kontrata ang nasabing programa at pagkatapos nito ay muling babalik si Sir Jowel sa Pilipinas upang ibahagi naman ang kanyang mga natutunan sa mga kapwa pilipinong guro at mga mag-aaral.

Pagbabahagi ni Sir Jowel, kolehiyo pa lamang siya ay nangarap na siyang makatuntong at makapagturo sa America upang mas makilala pa ang mga pilipinong guro sa larangan ng pagtuturo.

Isinakatuparan nito ang kanyang pangarap sa pamamagitan ng pagiging isang working student dahil simple lamang ang kanilang pamumuhay; ang kanyang ama ay isang jeepney driver habang ang kanyang ina ay isang housewife at dahil sa pagsusumikap ay nakapagtapos bilang Bachelor of Secondary Education, Major in Biological Science.

Bago mag-apply bilang exchanged teacher ay labing isang taon na nagturo si Sir Jowel sa mga pribado at pampublikong paaralan dito sa Nueva Ecija at iba pang parte ng Pilipinas.

Mensahe ni Sir Jowel sa mga kapwa guro na huwag mapapagod mangarap at manatiling manalig sa Panginoon dahil Siya ang magsisilbing daan patungo sa inaasam nating pangarap.