BINURONG MAIS, SAGOT UMANO SA KAKULANGAN NG PAGKAIN NG KALABAW TUWING DRY SEASON

Binigyang kapangyarihan ng Sangguniang Panlalawigan sa kanilang 44th Regular Session noong Lunes, November 21, 2022 si Governor Aurelio Umali na lumagda sa Implementation Management Agreement sa pagitan ng Department of Agriculture-Project Support Office (DA-PSO), Regional Coordinating Office 3 (RPCO3) at Licaong Agricultural Cooperative para sa pagsasakatuparan ng subproject na “Corn Silage Production and Marketing and Related Services” sa ilalim ng Philippine Rural Development Project na nagkakahalaga ng Php29, 302, 630.

Ayon kay Doc. Joebeat Agliam, Head ng Nueva Ecija-Provincial Project Management Implementing Unit, isa sa nakitang problema ng naturang kooperatiba sa panahon ng dry season ay ang kakulangan sa pagkain ng mga pagatasing kalabaw sa bukirin kaya ang pagtatanim ng mais na hindi pinagbubunga at paggawa at pag-iimbak ng binurong mais ang isa sa nakikitang paraan upang masolusyunan ito.

Paliwanag ni Doc. Joebeat ang mga mais na ito na itatanim ay aanihin sa loob lamang ng 60-70 days at puputol-putulin ng pino para isilid sa vacuum pack plastic para iimbak na tumatagal ng hanggang isang taon.

Kasama rin sa lalagdaang IMA ni Governor Oyie ang implementasyon ng subproject na “Processing ang Marketing of Carabao Milk Based Products” para sa Catalanacan Multipurpose Cooperative na nagkakahalaga naman ng Php17, 548, 227.

Ikinatuwa naman ni Vice Governor Anthony Umali ang pagbaba ng mga proyekto para sa mga kooperatiba sa lalawigan mula sa Department of Agriculture sa tulong at pagsusumikap din ng Office of the Provincial Agriculturist upang mas mapaunlad ang kanilang mga hanapbuhay.

Nagpahatid din ang bise gobernador ng pagbati sa dalawang kooperatibang benepisyaryo ng mga proyekto at sana aniya ay magtuloy-tuloy ang kanilang paglago sa tulong ng mga programa ng DA.

Inanyayahan din nito ang Licaong Agricultural Cooperative at Catalanacan Multipurpose Cooperative na magpamiyembro sa Civil Society Organizations ng lalawigan para maging katuwang ng provincial government sa development ng probinsya.