MGA IPINAMAHAGING ASSISTIVE DEVICES NG KAPITOLYO, BINAGO ANG BUHAY NG MGA PWD
Malaking pagbabago sa buhay ng mga Persons with Disability o PWDs ang mga ipinamahaging assistive devices ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija na ginanap sa Sierra Madre Suites, Palayan City.
Ayon kay Ariel Sta. Ana, PWD Affairs Officer, ipinagkaloob sa 58 na Novo Ecijanong may kapansanan mula sa iba’t-ibang bayan ng lalawigan ang mga artificial arm and leg, hearing aide, at braces na makakatulong sa kanila lalo na sa pagpasok sa trabaho.
Ilan sa mga nabenepisyuhan ay si Esperanza Garon, residente ng Guimba na humina ang pandinig noong bata pa lamang dahil umano sa sakit na meningitis. Malaking bagay sa kanya ang hearing aide na galing kina Gov Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Doc Anthony Umali na kanyang magagamit sa mga seminar na kanyang dinadaluhan.
Para naman kay Maricel Villar mula sa San Antonio, hulog ng langit ang ibinigay na artificial leg ng kapitolyo dahil makakapaghanapbuhay na siyang muli upang may maidagdag sa pampaaral ng kanyang anak.
Bukod sa mga prosthetics ay nagpamahagi rin ng mga gadgets na magagamit ng mga estudyante na miyembro sa kanilang pag-aaral at food packs bilang maagang pamaskong handog ng programang Count Your Blessings sa pangunguna ni Former Governor Cherry D. Umali kasama si Dra. Kit de Guzman.
Ang mga ipinagkaloob na assistive devices ng kapitolyo ay nagkakahalaga na P890,000. Mula sa 81 probinsiya sa bansa, isa ang Nueva Ecija sa 27 na may PDAO Office na nagsasagawa ng ganitong proyekto sa mga PWD sa tulong ng gobernador at bise gobernador.