NUEVA ECIJA COLISEUM, SIKAT NANG LANDMARK NG PALAYAN CITY

Maituturing na isa nang landmark ngayon sa Palayan City ang pinakamalaki at airconditioned na Nueva Ecija Coliseum.

Matapos na mapasinayaan ito noong Nov. 2020 ay nakilala na ito at nagagamit ng mga iba’t ibang grupo sa Lalawigan ng Nueva Ecija, hindi lamang pang sports activities, maging sa mga concert at malalaking special gathering ay nagagamit na rin ito.

Ayon kay Johann Ocampo, OIC ng Provincial Sports and Youth Development Office, lahat ng mga Novo Ecijano ay open naman na makagamit ng facilities.

Gumawa lamang ng request sa Office of the Governor depende sa schedules na kayang ma accommodate.

Tunay na maipagmamalaki ang Nueva Ecija Coliseum na kayang magpuno ng mahigit sa 6000 katao, bukod sa airconditioned ay FIBA Standard Basketball Court ito kaya pinili itong maging homecourt ng Nueva Ecija Rice Vanguards sa MPBL 2022 season na angkop sa international standard facilities bukod pa ang napakaluwang na parking space para sa lahat ng uri ng sasakyan.

Mas nakilala nga ang Nueva Ecija Coliseum dahil kasalukuyang venue ito ng MPBL finals at homecourt ng Nueva Ecija Rice Vanguards na tinanghal na North Division Champion matapos na talunin ang San Juan Knights Go For Gold.

Ayon naman kay Vice Governor Doc Anthony Matias Umali, ang Nueva Ecija Rice Vanguards ang nag-rerepresenta ng ating lalawigan kaya suportado ito ng ating Governor Aurelio Umali at ng Sangguniang Panlalawigan para magamit ang naturang coliseum.

Ipinagpapasalamat naman ni Ocampo sa Provincial Government na naipagawa ito, patuloy na pinagaganda at inaayos para doon makapanood ng laro ang mga Novo Ecijano.