30% NG MGA PINOY, GUMANDA ANG BUHAY -SWS

Umabot sa 30 porsiyento ng mga Pinoy ang nagsabi na gumanda ang kanilang pamumuhay ngayong 2022 batay sa pinakahuling survey ng Social Weather Station o SWS.

Lumabas din sa pagsusuri na nasa 29 percent ang naniniwalang lumala ang kanilang buhay habang 41 percent naman ang sumagot ng walang naging pagbabago sa kanila sa nakalipas na isang taon.

Ang mga respondents ay kinuha ang reaction sa tanong na “Kung ikikumpara ang uri ng inyong kasalukuyang pamumuhay sa nakaraang 12 buwan, masasabi ba ninyo na ang uri ng inyong pamumuhay ay mas mabuti kaysa noon, kapareho ng dati o mas masama kaysa noon?

Isinagawa ang survey noong September 29 hanggang November 2 sa pamamagitan ng face to face interviews sa 1,500 adults sa buong bansa kung saan tig-300 respondents ang kinuha sa Metro Manila, Visayas at Mindanao at 600 naman sa Balance Luzon.

Ang survey ay may sampling error margins na ±2.5 percent sa national percentages, ±5.7 percent bawat isa sa Metro Manila, Visayas at Mindanao samantalang ±4.0 percent sa Balance Luzon.