MAS MABABANG SINGIL SA COMBINED HARVESTER, HANDOG NG KAPITOLYO SA MAGSASAKANG NOVO ECIJANO

Katuparan ng isa sa mga pinangarap noon ni Governor Aurelio Umali na matulungan ang mga maliliit na magsasaka sa pag-ani ng kanilang mga palay lalo na sa panahon ng kalamidad, ang implementasyon ng pagpapa-upa ng mga combined harvester ng kapitolyo.

Ito ay matapos na aprubahan sa 45th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Gov. Oyie sa pagpapatupad ng ordinansa sa paglalagay ng rental fees sa mga harvesters sa ilalim ng Provincial Government of Nueva Ecija farm mechanization program.

Ayon kay Provincial Agriculturist Bernardo Valdez, ang kalakarang bayad sa mga pribadong may-ari ng mga harvester sa lalawigan ay 10 kaban kada 100 kaban na ani ng mga magsasaka.

Sa Provincial Government ng Nueva Ecija mas mababa ang magiging singil, sa halip na 10 kaban ay 5 kaban lamang ang kukuning bayad sa kanila, ang average na 30 liters na gasolina ng harvester per ektarya naman ay 15 liters lamang ang sasagutin ng mga magsasaka.

Prayoridad ng programang ito ang mga benepisyaryo ng Palay Price Support Program sa ilalim ng Provincial Food Council o mga magsasakang nabibilhan ng palay ng pamahalaang panlalawigan na iimplementa ng first-come-first serve.

May 8 harvester with thresher ang lalawigan kung saan 4 dito ay nagmula sa Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech, 2 sa Department of Agriculture at 2 na premyo sa Rice Achievers Award ng probinsya.

Iimplementa ang programang ito sa anihan ng dry season na magsisimula sa buwan ng Marso sa susunod na taon, kung saan may pailan-ilan nang umaani at buwan ng Abril ang maramihang anihan.