SAKIT NA CANCER, NAGING INSPIRASYON NG NOVO ECIJANONG LET PASSER
“Walang taong nagtatagumpay, sa taong sumusuko”, ito ang pahayag ni Mark Virtus Baduria ng Talavera, Nueva Ecija, patungkol sa kanyang pagkakapasa sa Licensure Examination for Teacher 2022.
Kwento ng bente kwatro anyos na si Mark, buwan ng Disyembre noong 2021 nang ma-diagnosed siya na may tumor sa kidney, ngunit hindi ito naging dahilan upang hindi niya ituloy ang pagpapasa ng application para sa board exam noong buwan ng Mayo.
Nakumpirma aniyang may stage 2 cancer siya sa kidney noong June at hindi na ninais pang ituloy ang eksaminasyon dahil sa panghihina ng kanyang katawan at samu’t saring sakit na nararamdaman.
Tila daw pinagsakluban ng langit at lupa si Mark nang malaman na mayroon siyang cancer at hindi na gustong ituloy pa ang kanyang pangarap.
Ngunit dahil sa kagustuhan niyang makapagbigay ng inspirasyon sa iba na sa kabila ng kanyang sakit ay patuloy siyang lalaban para sa kanyang pangarap at pamilya, kaya sinikap nitong makapagreview kahit papaano.
Pagbabahagi ni Mark, hindi pa nakababangon ang kanilang pamilya mula sa pagkakasunog ng kanilang tahanan noong 2019 kung saan wala ni isang ari-arian silang naisalba.
Isang truck driver ang kanyang ama at ang inang dating kasambahay ay natigil sa pagtatrabaho para may mag-alaga sa kanya.
Naitaguyod nito ang kanyang pag-aaral sa pamamagitan ng scholarship at iba’t ibang raket tuwing semestral break, sa halagang bente pesos na baon araw-araw.
Umaabot umano ng Php100, 000 ang gamutan ni Mark buwan buwan na sumasailalim sa Oral Chemotherapy, dahil lumalaki aniya ang bukol sa kanyang kidney at aniya hindi ito maaaring operahan dahil posible itong bawian ng buhay.
Panawagan ni Mark, sinikap niyang makapasa sa LET upang sana ay may makakita na sa kabila ng kanyang sakit ay patuloy siyang lumalaban kaya sana’y matulungan daw siya para sa kanyang pagpapagamot.
Para sa mga nais magpaabot ng tulong maaari po kayong magpadala sa kanyang Gcash number na 09652745134 at Union Bank account No.
109321592836.