IPINATAYONG MULTIPURPOSE HALL NG KAPITOLYO, GINAWANG SATELLITE OFFICE NG SB MEMBERS SA ALIAGA
Pansamantalang ginagamit na extension ng session hall ng Sangguniang Bayan ng Aliaga sa pangunguna ni Vice Mayor Erwin Dyan Javaluyas ang Multipurpose Hall na ipinatayo ng Provincial Government of Nueva Ecija sa Brgy. San Juan.
Ayon kay Vice Mayor Javaluyas, nagkaroon ng memorandum of agreement ang barangay at munisipyo upang mai-renovate ang bulwagan at gawing SB Session Hall Annex ng nasabing bayan.
Minabuti ng bise alkalde na ilapit sa kanyang mga nasasakupan ang sangguniang bayan habang kasalukuyang ginagawa ang kanilang opisina.
Nitong Enero ay pinakikinabangan na ng SB members ang pasilidad kung saan dito na nila ginaganap ang kanilang committee hearings at regular session.
Bukod dito ay ginagamit din ito sa mga pagpupulong ng liga ng barangay, sangguniang kabataan, mga nanghihingi ng tulong at higit sa lahat ay maaari ring maging evacuation center ng mga Aliageño.
Matatandaan noong September 2022 ay binayo ng Bagyong Karding ang lalawigan kung saan nasa sampung pamilya umano ang inaruga ng barangay sa ipinatayong barangay hall ng kapitolyo.
Lubos na nagpasalamat sina Vice Mayor Javaluyas at Kapitana Filomena Miranda sa suporta ni Gov. Aurelio “Oyie” Umali sa inihandog na multipurpose hall sa Brgy. San Juan.