DAGDAG ALLOWANCE, BENEPISYO SA MGA BHW’s, TANOD, ISINUSULONG NI SEN. EJERCITO
Isinusulong ni Senator JV Ejercito ang pagbibigay ng karagdagang benepisyo at allowance para sa mga barangay volunteer lalo na ang mga Barangay Health Worker at tanod.
Ito ang kanyang panawagan sa mga kapwa nitong mambabatas dahil hindi umano sapat ang bayad sa kanila sa kabila ng pagiging “first line of defense’ ng bansa kapag may mga sakuna at kaguluhan sa komunidad.
Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 396 na inihain ni Ejercito, ang mga panukala ay naglalayong protektahan ang mga BHW, gawing propesyonal ang kanilang mga serbisyo at mapabuti ang kanilang benepisyong matatanggap.
Binigyang-diin din ng mambabatas na kinakailangang magkaroon din ang mga barangay volunteer ng hazard pay, health insurance at serbisyong medikal dahil sa peligro ng kanilang mga trabaho lalo na noong panahon ng pandemiya.
Hinikayat din ni Ejercito ang national government na pag-aralan ang posibilidad na pagsasaayos ng standard compensation package para sa mga opisyal ng barangay kasama na ang mga volunteer.
Nito lamang March 21, 2023 ay pinangunahan ni Sen. Ejercito ang pagdinig sa Senate Committee on Local Government sa ilang panukalang batas na may layuning lumikha ng Magna Carta para sa mga barangay.
Kapag naisabatas ang Senate Bill No. 396, magkakaroon ng buwanang honoraria sa halagang hindi bababa sa P3,000 ang bawat BHW. May mga diskwento rin ang mga ito sa mga komersyal na establisimyento, hazard, transportation allowance, at one-time retirement cash incentive.
Bukod pa dito ay may access din ang BHW at tanod sa mga pagsasanay, edukasyon, benepisyo sa kalusugan, insurance coverage, sick, vacation at maternity leave. Mayroon din itong benepisyong matatanggap tulad ng cash gifts, disability benefits, civil service eligibility, at free legal services.