GINANG NA MAY BUKOL SA LIKOD, NATULUNGAN NG MALASAKIT CENTER SA ELJ HOSPITAL AT PROV’L GOV’T OF NUEVA ECIJA

Isang ginang mula sa Brgy. Bantog Norte sa lungsod ng Cabanatuan ang natulungan ng Malasakit Center sa pangangasiwa ng ELJ Hospital at Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Unang nakaramdam si Janette dela Cruz ng pangangati sa kanyang likod. Nang siya ay magkaroon ng lagnat ay nagpasya itong magpunta sa ospital upang ikonsulta ang kanyang sitwasyon.

Ayon kay Dela Cruz, nang makita ng doctor ang kanyang kalagayan ay agad na itong inischedule upang operahan dahil nagkaroon na ng impeksiyon ang bukol na tumubo sa kanyang likod.

Kwento pa ni Janette, nang siya ay bumalik para linisin ang sugat ay tumaas naman ang kanyang sugar kaya nanatili siyang naconfine sa nasabing pagamutan upang magpagaling.

Dahil sa programa ng gobyerno ay walang binayaran kahit piso ang kanyang pamilya dahil sinagot na ng Malasakit Center ang mahigit P14, 000 na bill sa ospital at mahigit P2,000 sa Department of Health.

Lubos ang pasasalamat ni Janette sa Malasakit Center at sa pag-alalay ng Pamunuan ng ELJ at kapitolyo sa pamumuno ni Governor Aurelio “Oyie” dahil ngayon ay nasa maayos na ang kanyang kalusugan.

Naitatag ni Senator Bong Go ang Malasakit Center bilang isang institusyon sa bisa ng Republic Act 11463 upang magkaroon ng iisang puntahan ang mga mahihirap na pasyente at pamilya nito upang mailapit ang iba’t ibang kahilingan pagdating sa usaping medikal.

Sa pagbisita ni Sen. Go sa Nueva Ecija noong February 23, 2023, binanggit nito na nasa 154 Malasakit Center na ang naitatayo sa buong bansa at patuloy pang madadagdagan para sa kapakanan ng mga mahihirap na Pilipino.

Dito sa lalawigan, tatlo ang naipatayo ng pamahalaan kung saan maaaring pumunta ang mga Novo Ecijano sa ELJ Hospital, Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa Cabanatuan City at Talavera General Hospital.

At sa inisyatibo ni Gov. Oyie Umali at Vice Gov. Anthony Umali ay unti-unti na ring nakukumpleto ang mga kagamitan sa ELJ Hospital para mas madaling matugunan ang lahat ng mga mga pangangailangan ng mga pasyente sa probinsiya.