PAGGAWA NG SUKA, ALAK, IBINAHAGI SA MGA PWDs NG NUEVA ECIJA
Matagumpay na isinagawa ng Persons with Disability Affairs Office – Nueva Ecija, sa tulong ng pamahalaang panlalawigan, ang kauna-unahang Livelihood for Wine and Vinegar Training pagkatapos ng ipinatupad na quarantine sanhi ng pandemyang COVID-19.
Sa pangangasiwa at pakikipag-ugnayan ng PDAO – Nueva Ecija Head na si G. Ariel Santa Ana at PWD Nueva Ecija President na si G. Arnel Viñas, mahigit 50 PWD members mula sa mga bayan ng San Antonio, Cuyapo, Laur, Rizal, Sta. Rosa, General Natividad, Quezon, Santo Domingo, Munoz, Guimba, Cabiao, Nampicuan, Pantabangan, Licab, Gen. Tinio, Palayan, San Jose City at San Isidro ang nagkaroon ng tysansa at oportunidad na matuto sa patok ngayong Suka’t Alak business.
Nabatid ng mga dumalo mula sa panauhing tagapagsalita na tubong Palayan City, isang magsasaka, at ‘AgriPreneur’ na si G. Ernesto P. Perlas, na lahat ng prutas na matamis ay puwedeng-puwede maging alak at lahat ng maaasim, ay swak na swak namang maging suka.
Ang pagnenegosyo nito ay madali lamang at hindi kailangan ng malaking puhunan. Dahil kahit isang prutas lang ay pwede nang makagawa ng parehong suka’t alak.
Gaya na lamang ng saging na saba. Maaaring gawing alak ang laman nito, habang p’wede namang gawing suka ang balat nito.
Lubos naman ang pasasalamat nina G. Santa Ana at G. Viñas sa suporta at tulong na natatamo ng kanilang organisasyon sa ating provincial government para tulungan ang mga PWD members.
Maliban pa sa iba’t ibang trainings, marami pang ibang mga programa ang inihahain ng PDAO Nueva Ecija, kaakibat ang pamahalaang panlalawigan, na tututok at tutugon sa mga pangangailan ng mga PWD members.