KATUTUBONG MGA DUMAGAT, NAKATANGGAP NG TULONG SA AEROX CLUB PHILS. NUEVA ECIJA
Pinakabagong destinasyon ngayon ng mga turista at mga motorcycle riders ang bagong Dika road sa Dingalan Aurora dahil sa ganda ng mga tanawin doon na makikita mula sa taas gaya ng kulay asul na tubig ng Pacific Ocean, habang bumibyahe sa tinatawag na snake road dahil sa mala ahas na daang ito.
Sa loob ng mahabang panahon halos ngayong taon pa lamang narating ng mga sasakyan ang Barangay Dikapanikian sa bayan ng Dingalan, dahil noon bukod tanging bangkang pandagat lamang ang transportasyon ng mga nakatira doon.
Kaya sa kaunaunahang pagkakataon ay nakatanggap ang ating mga kapatid na katutubong mga Dumagat na naninirahan doon ng mga regalong dala ng mga Novo Ecijanong Riders ng Aerox Club Phils. sa kanilang lugar.
Sa pamamagitan ng Helping Hands for Brgy. Dikapanikian, Dingalan ay namahagi ang grupo ng tig 5 kilo ng bigas, mga noodles at mga delata sa mahigit 130 families.
May dala ring mga stinelas, laruan, pagkain, at kaunting cash para baon sa eskwela ng mahigit 100 mga bata.
Ayon sa pangulo ng ACPNE na si Junmar Empania, nag-ambag ambag ang mga riders at mga taong bukas palad na tumulong kaya nakalikom sila ng pondo para makapagbigay ng nasabing tulong sa mga taga roon na kanyang ipinagpapasalamat.
Para sa katutubong si Nora Ramos, napakahalaga sa kanila ng natanggap na goodies bag lalo na ang bigas, dahil kapag Amihan o malalaki ang alon sa dagat ay hindi sila nakakapangisda na tangi hanapbuhay maliban sa pagtatanim ng gulay kaya ang karaniwan nilang kinakain ay saging at kamote lamang.
Kwento pa ni nanay Zenaida Francia, malaking ang mga natanggap ng kanilang mga kabarangay lalo na ang bigas dahil noong mga nakararaang bagyo at amihan ay halos natumba lahat ang kanilang mga tanim na saging kaya kamote na lamang ang kanilang kinakain.
Kaya labis ang pasasalamat ni Kapitan Richard Francia Belardo dahil malaking tulong na ipinagkaloob sa kaniyang barangay, na isa sa pinakamahirap na barangay sa bayan ng Dingalan.