PAGBIBIGAY NG P1-M CASH GIFT PARA SA AABOT NG EDAD 101, UMUUSAD NA
Isinumete ng House of Representatives Special Committee on Senior Citizens sa buong Kamara ang panukalang magbibigay ng P1-million cash gift sa mga Pilipinong aabot ng kanilang ika-101 kaarawan.
Sa ilalim ng House Bill 7535, bukod sa nasabing halaga ay makakatanggap rin ang mga lolo at lola ng liham ng pagbati mula sa pangulo ng Pilipinas. Ito ay 10 beses na mas mataas kumpara sa P100,000 cash benefit na ibinibigay ng Centenarians Act of 2016 sa mga nasa 100 taong gulang.
Nakasaad sa HB 7535 na ang mga senior na umabot sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay dapat umanong tumanggap ng sulat galing sa pangulo at cash gift na P25,000 bawat isa.
Binigyang-diin din sa panukala na marapat na pagkalooban ng espesyal na pagkilala ang mahabang buhay at karangalan ng mga centenarian na tutuntong sa edad na 101.
Sa kasalukuyan ay nakakatanggap pa rin ng P100,000 cash gift ang mga nasa 100 taong gulang mula sa pangangasiwa ng Department of Social Welfare and Development.
Subalit noong September 2022 ay naghahanap ng pondo ang DSWD para sa humigit kumulang na 700 centenarians na naghihintay ng kanilang cash benefit.
Samatala, magugunita na inaprubahan sa Kamara sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang nagkakaloob ng P1 million sa mga Pilipinong sasapit sa edad na 101.
At sa aming panayam sa DSWD Nueva Ecija, kung sakaling maisabatas na ang panukala ay ang National Commission on Senior Citizens na umano ang mamamahala at hindi na ang kanilang tanggapan.