SCHOLARSHIP PROGRAM NG PROV’L GOV’T OF NUEVA ECIJA, MOTIBASYON NG MGA ESTUDYANTE NA MAGPATULOY SA PAG-AARAL
Pursigidong makatapos sa kolehiyo ang mga iskolar ng Provincial Government of Nueva Ecija sa tulong ng scholarship program na ipinagkaloob nito para sa kanilang pag-aaral.
Nito lamang March 18 at 25, 2023 ay ipinamahaging muli ng Pamahalaang Panlalawigan ang allowance sa 675 iskolar mula sa pitong bayan at dalawang lungsod para sa 1st semester ng school year 2022 to 2023.
Sa pagtutulungan ng mga empleyado ng Public Affairs Monitoring Office at Provincial Treasurer’s Office ay personal na iniabot sa 138 mag-aaral sa Rizal ang halagang P2, 500 bawat isa bilang tulong pinansiyal na kanilang gagamitin sa mga gastusin sa paaralan.
Natanggap din ng 112 iskolar sa Pantabangan, 34 sa Carranglan, 53 sa Lupao, 54 sa Science City of Munoz, 33 sa San Jose City, 30 sa Talugtug, 72 sa Guimba at 149 sa bayan ng Llanera ang kanilang allowance sa ginanap na magkakahiwalay na awarding of Stipend.
Ayon kina Cherden Parungao mula sa NEUST Sumacab Campus, Cabanatuan at Krizelle Gayle Macario, kapwa 4th year student, malaking bagay sa tulad nilang nag-OOJT ang perang nakuha upang makagraduate at makatulong na sa kanilang pamilya.
Para naman kay Sophia Kate Garcia, ang nasabing scholarship ang naging motibasyon niya upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral dahil sa tuwing nagkukulang ang kaniyang budget ay ito ang nagiging sagot para makaraos sa eskwelahan.
Kwento naman ni Princess Mae Langcay, sinubukan niyang mag-apply dito para may katuwang ang kanyang ina na tanging sumusuporta na lamang sa kaniyang mga gastusin sa paaralan.
Hiling ni Rizal Councilor Christian Mangapis na magpatuloy pa ang nasabing programa upang mas maraming kabataan pa ang maengganyong mag-aral sa tulong ng kapitolyo sa pamumuno nina Gov. Aurelio “Oyie” Umali at Vice Governor Anthony Umali.

