HEPE NG PULIS SA BULACAN NA NAPATAY NG MGA MAGNANAKAW, GINAWARAN NG MEDALYA NG KADAKILAAN

Ginawaran ng “Medalya ng Kadakilaan” ng Philippine National Police ang hepe ng San Miguel Police Station sa lalawigan ng Bulacan na napatay sa engkwentro laban sa mga suspek sa robbery holdup noong March 25, 2023.

Ipinagkaloob nina CHIEF PNP PGEN RODOLFO S AZURIN JR at PRO3 RD PBGEN JOSE S HIDALGO JR kay PLTCOL MARLON SERNA ang pagkilala sa naging kagitingan at pagsasakripisyo nito ng kanyang sarili para sa tungkulin sa burol nito sa bayan ng Sta. Rosa, Nueva Ecija noong March 29, 2023.

Bukod dito ay naglaan din ang kapulisan, Department of Interior and Local Government, Bulacan Governor Daniel Fernando, at mga lokal na opisyal ng Bulacan ng tumataginting na Php1.7-M na pabuya sa makakapagturo ng mga salarin sa pagkamatay ni Serna.

Ayon kay PGEN AZURIN JR, kilala na nila ang mga suspek at double time ang kanilang mga tauhan sa pagtatrabaho upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng hepe.

Binawian ng buhay si PLTCOL Serna dahil sa tama ng bala sa kanyang ulo habang ginagamot sa isang ospital sa San Miguel, Bulacan noong Sabado ng gabi matapos niyang habulin ang dalawang umano’y holdaper na nambiktima sa mag-asawang may-ari ng isang tindahan sa Barangay San Juan.

Tumakas umano ang mga suspek na walang suot na bonnet patungo sa Barangay Bohol na Mangga na katabi ng bayan ng San Ildefonso kung saan nakipagbarilan ang sa hepe ng pulisya.