AGRI SCHOLARSHIPS SA ANAK NG MAHIHIRAP NA MAGSASAKA, ISINUSULONG SA KAMARA
Isinusulong ni Davao City 1st district Representative Paolo Duterte at dalawang iba pang mambabatas ang pagkakaloob ng insentibo at scholarship sa mga anak o dependent ng mga magsasaka sa buong bansa.
Kasama sina Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Partylist Rep. Edvic Yap ay inihain sa House of Representatives ang House Bill No. 7572 na magbibigay ng subsidiya sa mga anak ng mga kwalipikadong mahihirap na magsasaka na mag-enrol sa agriculture courses at sa kahalintulad na kurso sa mga state universities and colleges na libre ang tuition fee sa ilalim ng Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Ipinaliwanag ni Duterte na hindi lamang pagsasaka o pagtatanim ang sakop ng agriculture sector kundi mayroon ding agri at biosystems engineering, agribusiness management, agricultural biotechnology, agricultural economics, fisheries technology at iba pa.
Sa ilalim ng panukala, ang mga makapagpapasa ng mga kinakailangang dokumento sa mga state and local universities and colleges sa kursong agriculture ay mabibigyan ng libreng matrikula at iba pang gastusin sa eskwelahan gayundin ang mga insentibo at subsidiya tulad ng living and transportation allowance.
Nakapaloob din sa House Bill 7572 na ang mga qualified indigent farmers ay ang mga indibidwal na kasama sa registry sa Department of Agriculture na ang tanging pinagkukunan ng kabuhayan ay ang pagtatanim sa lupang pagmamay-ari o renta, livestock at poulty farming.
Ang nasabing panukalang batas ay makatutulong sa patuloy na pagsisikap ng gobyerno na mapataas ang produksiyon ng agrikultura at assistance na rin sa mga maliliit na magsasaka.