HIGIT 2500 PAMILYANG NOVO ECIJANO, TARGET NA MAPAGKALOOBAN NG PANGKABUHAYAN NG PROVINCIAL GOVERNMENT
Inaprubahan sa 10th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na muling mapondohan ang Livelihood Programs sa halagang Php20, 000, 000 na hahatiin sa tatlong special projects.
Kinabibilangan ito ng Microlayering Farm, Mushroom Production at “Gulayan sa Bakuran” Vegetable Farm Production na inilunsad ng Provincial Government noong pandemya upang makatulong sa mga mahihirap na Novo Ecijano.
Ngayong taon ay aabot sa mahigit 2500 pamilyang Novo Ecijano ang target na mabigyan ng pangkabuhayan, kung saan prayoridad na mabenepisyuhan ang mga dating Overseas Filipino Workers na nawalan ng trabaho, Senior Citizens, mga mahihirap na Novo Ecijano, mga walang kakayanang makapaghanapbuhay, at may kapansanan o Persons With Disability (PWD).
Sa panayam kay Father Arnold Abelardo ng Ako ang Saklay Inc., ay sinabi nitong pangunahing makikinabang sa “Kabutehan para sa mga Novo Ecijano” o Mushroom Production ang 1500 na mga PWD na lubhang nangangailangan ng tulong at suporta.
Aniya, nasa mahigit 100, 000 fruit bags ng mushroom ang naipamahagi noong nakaraang taon at mula nang magsimula ang Mushroom Production noong 2021 ay aabot na sa 3000 pamilyang Novo Ecijano ang natulungan, dahil sa atas ni Governor Oyie, sila mismo ang bumababa at humahanap sa mga komunidad ng mga karapat-dapat na matulungan ng programa.
Aabot naman sa mahigit 1000 na magsasaka na nagnanais na magkaroon ng maliit na taniman ng gulay bilang mapagkakakitaan ang maaaring makatanggap ng tulong para sa “Gulayan sa Bakuran” na sinimulan noong nakaraang taon.
Ang mga programang ito ay tuloy-tuloy na inihahandog ng Pamalaang Panlalawigan sa ilalim ng pamumuno nina Governor Oyie Umali at Vice Governor Anthony Umali bilang kaagapay ng mahihirap na Novo Ecijano para sa tuloy-tuloy na paghahanapbuhay.