DA, NAGBABALA SA PAGKALAT NG ASF SA SUMMER VACATION

Nagbigay ng babala ang Department of Agriculture sa posibilidad na pagkalat ng African Swine Fever o ASF sa bansa ngayong summer vacation.

Sinabi ni DA Assistant Secretary at Deputy Spokesperson Rex Estoperez na tiyak na marami ang magbabakasyon at magpipiknik ngayong summer season na maaaring pagmulan ng virus.

Nais ngayon ng ahensiya na maiwasan ang pagdami ng mga infected na baboy sa province at island kaya nanawagan si Estoperez sa mga pasahero na huwag magdala ng sariwa o lutong pork products sa mga lalawigan bilang pakikiisa sa pagsusumikap ng pamahalaan na makontrol ang pagkalat ng ASF.

Nagsimula ang babala matapos ituring na isang national concern ang ASF dahil naapektuhan na nito ang 16 na rehiyon sa bansa.

Base sa datos ng Bureau of Animal Industry o BAI, unang kumalat ang naturang virus sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao nang magkaroon ng outbreak sa South Upi, Maguindanao del Sur. Bukod sa BARMM, may kaso na rin ang Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Calabarzon, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region , SOCCSKSARGEN,at Caraga Region.

Kinumpirma rin ng DA-Central Luzon na mayroong ng kaso ng ASF sa Region 3 at patuloy na umaagapay ang tanggapan sa mga lugar na apektado ng virus upang hindi na dumami pa ang baboy na maysakit.

Naipaalam na din ng DA ang lawak ng pinsala ng ASF kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at pinaghahandaan na rin nito ang posibiidad na shortage sa suplay ng karne ng baboy sa ikalawang bahagi ng tao dahil sa Afrcan Swine Fever.