KAKULANGAN NG CLASSROOM, PROBLEMA NG ESKWELAHAN SA TALUGTUG, TINUGUNAN NI GOV. OYIE
Problema ng Baybayabas Elementary School sa bayan ng Talugtug, Nueva Ecija ang kakulangan sa classroom sa kanilang barangay.
Ang mga silid-aralan kasi rito ay sira na ang mga kisame sa dami ng anay kaya hindi na rin ligtas pang gamitin ng mga mag-aaral.
Para sa kapakanan ng mga bata ay humiling ang mga guro at sangguniang barangay ng Baybayabas kay Governor Aurelio Oyie” Umali ng classroom na magagamit ng kanilang mga estudyante.
Ayon kay Jessil Fronda, isang guro ng nasabing eskwelahan, malaking bagay para sa kanila ang magkaroon ng dalawang bagong silid-aralan kaya nang tugunan ng gobernador ang kanilang pakiusap sa tulong na rin ng Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Governor Anthony Umali ay ikinatuwa nila ito.
Kwento pa ni Fronda, naging komportable na rin ang mga batang makinig kumpara noon na sa gymnasium at lumang kwarto lamang sila nagkaklase.
Laking pasasalamat ng mga guro, mag-aaral at ni Kapitan Nelia Garillo dahil naranasan na ng mga estudyante ang ginhawa na makapag-aral sa ipinatayong dalawang classroom ng Pamahalaang Panlalawigan.