INSENTIBO NG MGA HEALTH CARE WORKERS SA NUEVA ECIJA NA TUMUGON SA COVID, MATATANGGAP NA

Matatanggap na ng mga eligible Public Health Care Workers at non-Health Care Workers mula sa anim na District Hospital at Community Hospital sa lalawigan ang kanilang Health Emergency Allowance mula sa Department of Health (DOH).

Ito ay matapos na pukpukan sa 12th Regular Session ng Sangguniang Panlalawigan ang kahilingan ni Governor Aurelio Umali na lumagda bilang kinatawan ng Provincial Government sa Memorandum of Agreement sa pagitan ng DOH-Central for Luzon Center for Health Development para sa pagkakaloob ng insentibo sa mga ito.

Ang mauunang makatatanggap ng allowances ay ang mga health care workers at non-health care workers mula sa ELJ Memorial Hospital, Bongabon District Hospital, Gapan District Hospital, General Tinio Medicare and Community Hospital, Carranglan Medicare and Community Hospital, at Gabaldon Medicare and Community Hospital.

Ayon kay Provincial Health Officer Dra. Josefina Garcia, ang matatanggap na halaga ay kompensasyon para sa mga nakipaglaban, nagtrabaho at tumugon sa COVID mula noong 2020.

Ang matatanggap na compensation ng mga ito ay para sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre ng taong 2021 habang hinihintay din ang pagbaba ng pondo para sa taong 2022.

Sinabi ni Dra. Garcia na nahuli man ang pagdating ng mga insentibong ito ay malaki pa rin ang pasasalamat ng mga health care workers at non-health care workers.

Ani Dra. Garcia, para sa iba pang mga pampublikong ospital ay huwag mainip dahil pinoproseso na ang kanilang mga dokumento upang matanggap ang kanilang kompensasyon.