CLSU, PAMAHALAANG PANLALAWIGAN NG NUEVA ECIJA, MAGKAPARTNER SA PAGTULONG SA MAGSISIBUYAS
Magkatuwang ang Central Luzon State University at Provincial Government of Nueva Ecija sa pagtulong sa mga maliliit na magsasaka sa probinsiya.
Sa ginanap na ground breaking ceremony ng 120,000 bags capacity ng Onion Cold Storage sa ilalim ng Philippine Rural Development Project ng Department of Agriculture na itatayo sa Nueva Ecija Fruits and Vegetable Seed Center sa Science City of Munoz noong March 24, 2023, sinabi ni Governor Aurelio “Oyie” Umali na pamamahalaan ng kapitolyo ang pasilidad katulong ang CLSU para maging agricultural research institute ang lugar.
Layunin ng nasabing proyekto na magkaroon ng mas malalim na kaalaman ang mga magsasaka pagdating sa pangangalaga ng kanilang mga aning sibuyas upang mapanatili ang pagiging Onion Capital of the Philippines ng lalawigan.
Prayoridad ng gobernador ang mga maliliit na magsisibuyas na hindi nabibigyan ng pagkakataong makapaglagak sa mga private cold storage kaya napipilitang maibenta ang kanilang produkto sa mga trader sa mas murang halaga ayon kay Provincial Agriculturist Bernardo Valdez.
Dahil walang cold storage sa una at ikalawang distrito ng lalawigan, makikinabang sa proyekto ang mga magsasakang naninirahan sa Cuyapo, Guimba, Lupao, Pantabangan, Carranglan, Rizal, Science City of Munoz, at San Jose City.
Lagi namang nakaantabay sa mga rice at onion farmers ang kapitolyo sa ilalim ng pamumuno ni Governor Oyie sa tulong ng sangguniang panlalawigan sa pangunguna ni Vice Gov. Anthony Umali tulad na lamang ng ginawang pagbili ng Provincial Food Council ng palay sa mas mataas na halaga.
Para kay Reynaldo Gonzales na isang onion grower mula sa Lupao, malaking bagay ang ganitong programa para maibsan ang kanilang pangamba sa tuwing bababa ang kalakarang presyo ng sibuyas sa lugar na nagiging dahilan ng kanilang pagkalugi.
Buwan ng Marso ay sunud-sunod ang pagpapasinaya ng Onion Cold Storage sa bayan ng Cuyapo, Laur, at Talavera gayundin ang pagturn-over ng pasilidad sa San Jose City at Llanera. Ang pondo ay nagmula sa ilalim ng High Value Crops Development Program at PRDP ng Department of Agriculture.