PHP80K NA HALAGA NG SHABU, NAKUMPISKA NG NUEVA ECIJA POLICE SA LIMANG SUSPEK
Nakumpiska umano ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang illegal drugs na nagkakahalaga ng halos Php 80,000.00 mula sa limang suspek sa isinagawang Anti-Illegal Drug Buy-Bust Operation sa lalawigan noong umaga ng April 11, 2023.
Ayon kay Police Colonel Richard Caballero, Provincial Director ng NEPPO, dalawa sa mga suspek na ito ay nahuli sa bayan ng Aliaga kasama ang 7.5 grams na hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng halos Php 51,000.00.
Habang nasamsam naman ng pulisya ang 4.25 grams ng pinagsususpetsahang shabu na nagkakahalaga naman ng halos Php 28,900.00 galing sa naarestong dalawang suspek sa lungsod ng Gapan at ang isa pa ay mula sa Santa Rosa.
Ang mga nahuling suspek ay nasa ilalim na ng kustodiya ng pulisya at kinakaharap ang kaso sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala sa isinagawang Manhunt Charlie Operation, tatlong wanted na katao naman ang naaresto mula sa mga bayan ng Guimba,Talugtug at Cabiao na ngayon ay nasa ilalim na rin ng kustodiya ng pulisya ng mga nasabing lugar.
Dinakip ang mga suspek dahil sa mga kasong pagnanakaw, pag-iissue ng talbog na cheke at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Tinitiyak ni Provincial Police Director Caballero na patuloy ang pagkilos ng kapulisan sa lalawigan upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan at maprotektahan ang mga Novo Ecijano mula sa mga masasamang-loob.