PNP: 72, NASAWI MATAPOS MALUNOD NOONG SEMANA SANTA

Pumalo sa 72 katao ang nasawi matapos malunod sa magkakahiwalay na mga lokasyon nitong Semana Santa.

Base sa huling update ng Philippine National Police, karamihan sa mga insidente ng pagkalunod ay nangyari sa mga lugar ng Calabarzon na may 19 na biktima, Ilocos na may 14 at Central Luzon na may 10. Ang nasabing bilang ay mula noong Easter Sunday, alas-sais ng gabi.

Sa Nueva Ecija, mag-ina mula sa Gapan City ang nalunod sa Brgy. Matawe, Dingalan, Aurora noong Sabado de Gloria, April 8, 2023.

Unang nasagip ng mga Lifeguards ang 41-anyos na babae ngunit huli na ang lahat para ibalik ang kanyang buhay. Habang ang 19-anyos na lalaki na nais lamang tulungan ang kanyang nanay ay pumailalim na sa dagat matapos makitang nakuha ang ina.

Halos dalawang araw rin na hinanap ng mga kinauukulan ang katawan ng lalaki hanggang sa nakita ito ng mga magbabarkadang nag-overnight sa Umiray Island noong April 10, 2023. Kasalukuyan nang nakaburol ang mag-ina sa Brgy. Sto Nino, Gapan City at nakatakdang ilibing bukas, April 13.

Matatandaan na mayroon ding magpinsan na lalaki na naninirahan sa Jaen na edad 7 at 15 ang nalunod sa Matawe, Dingalan noong nakaraang Holyweek.

Isa ring 3 taong gulang na batang lalaki ang natagpuang bangkay sa ilog ng Pasong Intsik, Guimba na nalunod din umano noong Black Saturday.

Paalala ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa publiko na huwag iwanan ang mga maliliit na bata kung magswimming sa pool o mga dagat at huwag pupunta sa malalim na parte ng dagat para maiwasan ang ganitong aksidente.

Plano rin ng PNP na makipag-ugnayan sa Department of Health at Philippine Red Cross sa pagtuturo ng cardio-pulmonary resuscitation (CPR) upang magkaroon ng kaalaman ang mga first responder na sasagip at magbibigay ng first aid sa mga biktima.