MGA PROYEKTO NG KAPITOLYO, MALAKING PAKINABANG SA MGA RESIDENTE NG BRGY. DOLORES, STO. DOMINGO

Malaking tulong sa mamamayan ng Brgy. Dolores sa bayan ng Sto. Domingo ang mga proyektong ipinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.

Isa na nga dito ang bagong multipurpose gymnasium na sinimulang ipatayo ng kapitolyo noong February 2022. Pormal itong pinasinayaan noong January 23, 2023 na dinaluhan ni Governor Aurelio “Oyie” Umali at ngayon ay pinakikinabangan na ng mga kabataan partikular na ang mga magsasaka na ginagamit sa pagbibiliad ng palay.

Ayon kay Kapitan Jose Bestante, gumawa ang sangguniang barangay ng isang resolusyon para hilingin sa gobernador na magkaroon ng evacuation center ang kanilang komunidad sa tuwing babahain ang kanilang lugar.

Pwede rin itong hiramin ng ibang barangay sa iba’t-ibang okasyon tulad ng kasal o mga malakihang pagpupulong ng mga senior citizen, 4Ps, kababaihan, at PWDs.

Ipinaayos din ng Provincial Government ang mga baku-bakong kalsada maging ang marupok na tulay na nag-uugnay sa kanilang barangay at sa bayan ng Sto. Domingo.

Bukod dito ay ipinagkalooban din ng kapitolyo sa Brgy. Dolores ang CCTV, solar street light, barangay hall, at service na hanggang ngayon ay kanilang ginagamit.

Pasasalamat naman ang ipinaabot ng mga opisyales ng barangay sa kanilang mga natanggap na biyaya mula kay Gov. Oyie, Former Gov. Cherry at Vice Gov. Anthony Umali.