KITA NG ISANG GINANG MULA SA MUSHROOM PROJECT NG KAPITOLYO, IPINUHUNAN SA SARI-SARI STORE

Unti-unti nang nakababangon si Maritonie Balondo ng Sto. Cristo, San Antonio, Nueva Ecija mula sa mga suliraning pangkabuhayan dulot ng pandemya matapos makapagsimula ng bagong pagkukunan ng ikabubuhay para sa pamilya.

Isa kasi siya sa mga mapalad na nakatanggap ng isang daang fruit bags ng mushroom mula sa “Mushroom Project” na inilunsad noong 2021 ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija upang matulungan ang mga kasapi ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) ng lalawigan.

Kwento ni Maritonie, hindi sapat ang kinikita ng kaniyang mister.

Kaya naman nang umani ng kabute ay ibinenta nya ito sa halagang 200 pesos per kilo at inipon ang kinita na ipinangpuhunan sa itinayong sari-sari store.

Kung noon ay tila huminto ang kaniyang mundo, ngayon ay proud na pinasilip ni Maritonie ang kaniyang munting tindahan sa harap ng kanilang bahay na bunga ng kaniyang sipag, tiyaga at suporta ng pamahalaang panlalawigan sa pamumuno nina Governor Aurelio and Vice Governor Anthony Umali.

Ang mushroom din aniya ang nagsisilbing panawid gutom ng kaniyang buong pamilya dahil inuulam nila ito at sisig na kabute ang isa sa kanilang pinakapaboritong putahe.

Ngayong taon, nasa 1500 miyembro ng PWD Nueva Ecija ang target bigyan ng fruit bags of mushroom ng pamahalaang panlalawigan.