SCHOLARSHIP, TRAINING PROGRAM NG TESDA, INIAALOK SA MGA TAGA- CENTRAL LUZON

Hinihikayat ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang mga residente ng Central Luzon na mag-apply para sa scholarship at training program para sa mga oportunidad sa trabaho at kabuhayan sa rehiyon.
Ang Training for Work Scholarship Program o TSWP ay naglalayong suportahan ang mabilis na paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng mga kursong handog ng ahensiya sa industriya ng bansa.

Sa pahayag ni TESDA Pampanga Technical Education and Skills Development Specialist II Gener Nicolas Jr. sa Kapihan ng Mamamayan: Pulong Tulong sa Kaunlaran ng Philippine Information Agency, sinabi nito na target nilang ituon ang pagbibigay ng pagsasanay sa mga trabahong in-demand sa bansa. Dagdag pa ni Nicolas, sa pamamagitan nito, dadami ang bilang ng mga skilled worker sa Gitnang Luzon.

Ang mga kwalipikado sa ilalim ng TSWP ay ang mga underemployed o walang trabaho na mga mamamayan na hindi bababa sa 18 taong gulang sa pagtatapos ng training.

Bukod dito, ang TESDA rin ay nag-aalok ng Tulong Trabaho Scholarship Program o TTSP na may layuning magbigay ng higit pang makabagong diskarte sa technical vocational courses para sa mga edad 15 pataas.

Maaari ring mag-avail ng Private Education Student Financial Assistance o tulong pinansiyal para sa mga mahihirap na mag-aaral na hindi bababa sa 15-anyos, highschool graduate at may taunang kita ang pamilya na mas mababa sa P300,000.

Ngunit paalala ng TESDA sa mga nag-aavail ng maramihang scholarship, kailangan muna nilang tapusin ang isang pagsasanay bago kumuha ng panibagong training sa ahensiya.