MGA KAWANI NG KAPITOLYO, SUMAILALIM SA GLOBAL FINANCIAL LITERACY

Marami sa empleyado ang hindi alam kung ano ba talaga ang kanilang kakayahan o potential para umunlad ang buhay.

Bilang isang ordinaryong empleyado ng gobyerno sa mahabang panahon, maraming katanungan sa sarili na parang ang hirap na umaasa na lamang sa natatangap na sahod tuwing kinsenas at katapusan.

Mahirap pagkasyahin ang sahod na pambayad ng ilaw, tubig at pambayad sa utang sa tindahan.

Parang imposible na yumaman, imposibleng magkaroon ng sariling sasakyan, lupa o bahay kung aasa lamang sa sweldo.

Kalimitan kasi sa mga empleyado ngayon ay baon sa utang o sagad tinatawag na loan sa bangko, GSIS, PAG-IBIG para lamang matustusan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

Ang iba naman para maipagawa ang kanilang bahay o makapag-pundar ng gamit sa bahay.

Pero sa bandang huli magreretiro na lamang na lubog parin sa utang ang isang empleyado na walang investment o o sariling bahay.

Kaya para maihanda ang mga empleyado sa kanilang pagreretiro at maturuan ang mga ito ng tamang pag-iipon at pag invest ng kanilang pera sa tamang pamamaraan ay minabuti ng Pamahalaang Panlalawigan sa Pamumuno ni Governor Aurelio Umali at ng kanyang may bahay na si dating Governor Cherry Domingo na maturuan at maihatid ang napakahalagang inpormasyon para sa mga empleyado.

Naglunsad ng Financial Literacy Program sa Sierra Madre Suite noong nakaraang April 14, 2023 na nilahukan naman ng mga kawani sa ibat ibang departamento ng kapitolyo.

Itinuro ng Global Financial Literacy campaign o International Management Group ang financial money management, pag-iipon, pag-iinvest, at paghahanda sa pagreretiro ng mga empleyado at kung papaano kumita ng pera at pinansiyal na proteksiyon para sa kanilang pamilya.

Pasasalamat naman ang ipinaabot ng mga kawani ng PGNE sa kanilang natutunan para maiwasan ang sobrang paggastos ng pera.