32-YEAR OLD NA TINDERA SA PALENGKE, NAKAPAGTAPOS NG KOLEHIYO
Inspirasyon ngayon sa social media ang 32-year old na tindera ng gulay at isda sa palengke na nakapagtapos ng kolehiyo.
Kahirapan ang nag-udyok kay Ginang Liezel Nudalo Formentera upang pansamantalang itigil ang pag-aaral nang siya ay nasa elementarya pa lamang.
At sa kahirapan din siya humugot ng lakas at inspirasyon para ipagpatuloy ang namahingang pangarap, para sa pamilya.
Si Aling Formentera ay isang asawa, ina, at tindera ng isda’t gulay sa local market sa Cebu. Hinangaan siya dahil sa angking kasipagan na nagdulot ng inspirasyon sa mga netizen.
Taong 2012 nang naisipan ni Aling Liezel na mag-enrol sa Department of Education’s Alternative Learning System o ALS program. Dahil dito, siya ay nakapagtapos ng elementary at hayskul. 2018 na nang grumaduate siya ng sekondarya at nagpatuloy agad sa kolehiyo.
Nagtapos si Ginang Formentera ng kursong Bachelor of Industrial Technology Major in Computer Technology sa Cebu Technological University noong August 2022.
Mahirap aniya pagkasyahin ang kinikita sa pagtitinda sa palengke para sa mga gastusin sa eskwelahan at sa pamilya. Ngunit para sa kaniya, ang hindi sumusuko, nagtatagumpay.
At sa tuwing nakararamdam siya ng hirap sa pag-aaral, ang kaniyang dalawang anak ang nagsisilbi niyang lakas at inspirasyon.
Naging kaagapay din niya sa pag-abot ng kaniyang pangarap ang kaniyang mister na isang magsasaka.
Ngayon, nais ni Ginang Liezel na ipagpatuloy ang pag-aaral para maging isang guro.