HILING NA TULAY NG BARANGAY SAN ALEJANDRO SA BAYAN NG QUEZON, IPINAGKALOOB NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN

Binigyang katuparan ng pamahalaang panlalawigan, sa pamumuno ni Governor Aurelio Umali ang hiling ng mga taga San Alejandro sa bayan ng Quezon na magkaroon sila ng konkretong tulay sa kanilang barangay.

Kwento ni councilor Dionisio Leaño, ang kanilang lumang tulay ay unang naipatayo noong taong 1990 ngunit dahil tabla lamang ang ginagamit, halos taun-taon ay pinapalitan nila ito gamit ang pondo ng barangay.

Dahil dito, sa tulong ni Mayor Mariano Cristino “Boyet” Joson ay humiling sila na magkaroon ng konkretong tulay na agad namang binigyang atensyon ng punong lalawigan.

Maliban sa mga taga barangay San Alejandro, kasama rin sa mga makikinabang sa pinapagawang tulay ay ang mga barangay ng San Andres Uno at San Andres Dos, lalo na ang mga magsasaka upang mapabilis ang transportasyon ng kanilang mga produkto tulad ng palay at mga gulay.

Ayon kay Engr. Georgina Esguerra ng Provincial Engineering Office (PEO) ang tulay na ito ay may habang 13 meters at lapad na 8 meters at nagkakahalaga ng halos Php27-Million.

Sinimulan ito noong buwan ng Enero nitong taon at inaasahang matatapos sa huling linggo ng Setyembre. As of April, nasa 13% na ang progreso ng pinapagawang tulay na ito.

Oras na matapos ang tulay ay maaari rin itong gawing alternative route ng mga byahero mula sa mga kalapit bayan gaya ng Guimba, Licab, Aliaga, Sto. Domingo at Talavera.