25-ANYOS NA BINATA, BIKTIMA NG AKSIDENTE SA LAUR; TINULUNGAN NG PAMAHALAANG PANLALAWIGAN
Pangalawang buhay na maituturing ni Jeffrey Carpio Cumbe, bente sinko anyos na binata ng Brgy. Sagana, Laur, Nueva Ecija, ang pagbuti ng kanyang kalagayan matapos siyang matulungan ng pamahalaang panlalawigan nang siya ay naging biktima ng aksidente noong 2020.
Kwento nito, naglalakad siya noon pauwi sa kanilang bahay nang mahagip ng isang motorsiklo.
Nagtamo si Jeffrey ng malalang sugat sa paa at kinailangang kabitan ng bakal para sa nabaling buto.
Pagkaraang isugod sa iba’t ibang ospital, patong-patong namang medical at hospital bills ang kanilang naging problema.
Hindi aniya naging sapat ang kaniyang ipon sa pagcoconstruction, gayundin ang kita ng kaniyang ama sa pagsasaka pambayad sa kaniyang pagpapagamot.
Isang madilim na bangungot ito para sa binata sapagkat sa isang iglap, nawalan ang kaniyang ama ng kaagapay sa pagsuporta sa kanilang walong magkakapatid at lola na kasama nila sa bahay.
Nag-abot lamang ng P5,000.00 na tulong ang nakabangga kay Cumbe dahil kapos din ito sa pinansyal.
Kaya naman hindi na sila nagdalawang-isip na humingi ng tulong sa tanggapan ni Nueva Ecija Governor Aurelio M. Umali na nagkaloob naman ng financial assistance na nagkakahalaga ng P50 000 para sa gastusing-medikal ni Jeffrey.
At ngayong darating na Mayo, nakatakda ang kaniyang operasyon para tanggalin ang nakatanim na bakal sa kaniyang paa.
Ngayon, umaasa siya sa kaniyang mabilis na paggaling at hiling niya kay Gov Oyie na sana’y mabigyan siya ng trabaho upang makatulong sa kaniyang pamilya.