GINANG SA SAN ANTONIO, KUMIKITA NA, NAKAPAGBIBIGAY PA NG KABUTE SA MGA KAPITBAHAY

Mapalad na nakatanggap ang isang ginang na kasapi ng Persons with Disabilities o PWDs mula sa Brgy. Sto. Cristo, San Antonio, Nueva Ecija ng isang daang fruit bags ng kabute mula sa “Mushroom Project” ng Pamahalaang Panlalawigan.

Ayon kay Nerissa Sta Maria, hindi sapat ang kinikita ng kanyang mister sa pamamasada kaya malaking bagay ang pangkabuhayang handog ng kapitolyo bilang pantustos sa kanilang pang-araw-araw.

Aniya, simula nang umani ng kabute ay ibinebenta niya ito ng P200 kada kilo sa loob ng tatlong buwan at ang kinita ay nagamit na pangbaon sa kanyang Grade 7 na anak.

Kwento pa ni Nerissa, kung minsan ay naiuulam pa ito ng kanyang pamilya at kapag may sobra ay nakapagbibigay pa siya sa kanyang mga kapitbahay.

Hiling ni Nerissa na magpatuloy ang Kabutihan ng kapitolyo upang marami pang matulungan na Persons with Disablities o PWDs sa lalawigan.

Ang Mushroom Project ay bahagi ng Malasakit Program ng kapitolyo na inilunsad noong 2021 sa pamumuno nina Governor Aurelio “Oyie” Umali at Vice Gov. Anthony Umali. Layunin nito na mabigyan ng kabuhayan ang mga pamilya na naapektuhan ng pandemya sa lalawigan.