KASO NG TEENAGE PREGNANCY SA CENTRAL LUZON, BUMABA; PANGALAWA SA PINAS
Bumaba sa 17.9 percent noong 2021 ang kaso ng teenage pregnancy sa Central Luzon ngunit nanatiling pangalawa sa pinakamataas sa bansa.
Base sa datos ng 2021 Civil Registry and Vital Statistics , ang kaso ng live birth sa mga nagdadalagang ina ay bumagsak ng 15,504 noong 2021 mula sa 18,722 noong 2020.
Binigyang diin ni Commission on Population and Development Regional Director Lourdes Nacionales na huwag magkampante dahil nakakaalarma pa rin ang resulta lalo na sa tumataas na bilang ng mga nabubuntis na may edad 14 pababa.
Dagdag pa ni Nacionales, pinakamarami pa rin sa mga nagdadalang tao ay ang mga nasa 15 -19 years old habang mayroon ding 306 live birth o 1.97 percent na nagmumula sa 10 -14 taong gulang.
Sa listahan ng Philippine Statistics Authority, nangunguna ang Bulacan sa mga lalawigan ng Gitnang Luzon sa mga kaso ng teenage pregnancy na nakapagtala ng kabuuang 4,290, sinundan ng Pampanga na may 4,059, kabilang ang highly-urbanized na lungsod ng Angeles na may 522.
Ang Nueva Ecija naman ay nakapagtala ng 2,194 na kaso, habang ang Tarlac ay mayroong 1,555; Bataan ay may 1,203; Zambales ay may 1,102 kaso kabilang ang highly-urbanized na lungsod ng Olongapo na may 201 at ang Aurora ay mayroong 381 caseload.
Ipinaliwanag ni Nacionales na ang paglaganap ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan ay maaari umanong dahilan ng kahirapan at kakulangan ng kaalaman patungkol sa reproductive health.
Patuloy din ang pakikipagtulungan ng PSA sa iba’t ibang ahensiya upang lumikha ng mga hakbang na makatutulong sa pagbuo ng mga multi-sectoral strategies upang masugpo ang paglaganap ng teenage pregnancy na ikinokonsiderang pambansangbparayoridad.