BAHAY KUBO SERVICE NG DELIVERY RIDER SA GAPAN, AGAW PANSIN SA MGA NETIZEN
Kinagiliwan sa personal at maging sa social media ng mga netizen ang bahay kubo delivery vehicle ng 42 anyos na si Arthuro Del Rosario ng Sto. Cristo, San Isidro, Nueva Ecija na isang delivery rider ng Pabili Express Gapan.
Ayon kay Arthuro, walang harang ang kanyang service at ginagamit na pangdeliver sa kanyang trabaho na kolong-kolong at dahil may anak siyang 3 at 1 taong gulang ay naisipan niya itong lagyan ng harang upang maging ligtas sa malilikot niyang mga chikiting.
Nang makita niya ang resulta ay naisipan muli niyang lagyan ng desinyo ang kanyang sasakyan hanggang sa mabuo ang bahay kubo at mas naging komportableng sakyan ng kanyang mag-iina lalo ba kapag umuuwi sila sa Tarlac kung saan lumaki ang kanyang asawa.
Kwento ni Arthuro dati siyang nagnenegosyo ng ice candy ngunit bunsod ng kakulangan ng puhunan upang ipagpatuloy ang pagtitinda ay pumasok siyang delivery man noong pandemya at kumikita ng nasa Php700-Php1, 200 kada araw.
Marami aniyang papuri ang natatanggap niya mula sa mga customers sa ayos ng kanyang service at nagpapapicture dito, maging ang kainan na madalas orderan ng kanyang mga kliyente na Mr. Magno Foods ay talagang bumilib din sa kanyang sasakyan.
Talaga naman umanong safe na maihahatid sa kanila ang kanilang inorder na mga pagkain sa delivery vehicle ni Arthuro dahil maganda na ay komportable pa.
Umaabot na rin aniya siya sa Pampanga, Bulacan, Talavera, Nueva Ecija at iba pang lugar na kayang abutin ng kanyang sasakyan upang makapagdeliver ng mga pagkain, groceries at iba pa.
Masaya naman si Arthuro na habang naghahanapbuhay ay nakakapaghatid din ng aliw sa kanyang mga customers ang kanyang bahay kubo delivery vehicle at sinabing sa kabila ng hirap ng buhay ay patuloy lang sa pagsusumikap para sa pamilya.