PINAY GYM INSTRUCTOR, GUMUHIT NG KASAYSAYAN SA GUINNESS WORLD RECORD

Gumuhit ng kasaysayan ang tagumpay ng Pilipinang ultra marathoner na si Michelle Butiu na isang International Fitness Alliance Certified Gym Instructor na namamalagi sa Qatar nang makuha niya ang world record bilang “Fastest Crossing of Qatar on Foot (female)”.

Tinapos niya ang 190 kilometer mula Al Ruwais hanggang Abu Samra sa loob ng isang araw, anim na oras, dalawampu’t tatlong minuto at apat naput dalawang segundo na mas mabilis ng 7 minuto sa dating world record holder.

Sa kanyang Facebook post ay pinasalamatan ni Michelle ang lahat ng mga nagbigay sa kanya ng lakas ng loob upang makamit ang tagumpay na ito.

Sinabi din niya sa kanyang post na ito ang ikalawang beses niyang attempt o pagtatangka ngayong taon pero hindi niya ito ikinahihiya dahil marunong aniya siyang tumanggap ng kabiguan at naniniwalang sa bawat pagkabigo ay palaging mayroong tagumpay na naghihintay.

Nakamit daw niya ang success na ito dahil sa kanyang pagsusumikap, determinasyon at suporta mula sa kanyang mga kaibigan.

Mapapanuod din sa YouTube ang kanyang journey upang maabot ang dating minimithi at ngayon ay nakamit na world record.