AYUDA PARA SA MGA MAHIHIRAP NA BIYUDO, BIYUDA, ISINUSULONG SA KAMARA

Isinusulong ni Rep. Eddie Villanueva sa KAMARA ang panukalang batas para sa pagbibigay ng tulong pinansiyal at counseling para sa mga mahihirap na biyudo at biyuda sa bansa.

Ang House Bill No. 7795 na pinamagatang Widower and Widow Financial Assistance Act ay naglalayong magbigay ng ayuda upang makatulong na maibsan ang kalungkutan, sakit at pinansiyal na epekto ng pagkakawala ng asawa sa unang ilang buwan ng pangungulila.

Sinabi ni Villanueva na bibigyan ng financial support ang mga balo na kapantay ng minimum wage rate kung saan ito nakatira sa loob ng tatlong buwan.

Nakapaloob din sa panukalang batas na ang isang biyudo at biyuda ay makakatanggap ng ayuda kung ito ay kasal sa kanyang namatay na asawa at hindi pa nag-aasawang muli.

Makukuha ang assistance sa pamamagitan ng pagpapakita ng residential at indigent certificate na inisyu ng sakop ng barangay o local government unit kasama ang marriage certificate at death certificate ng namayapang asawa.

Dapat ding patunayan ng nasabing residential/indigent certificate na ang mag-asawa ay magkasamang nakatira sa oras ng kamatayan.

Kapag naisabatas na ang House Bill 7795, ang Department of Social Welfare and Development o DSWD sa pakikipag-ugnayan sa Department of the Interior and Local Government o DILG ay itatalagang mag-isyu ng kinakailangang Implementing Rules and Regulations.