PABORITONG SAPATOS, IPINA-TATTOO SA PAA NG LALAKI SA UK
Kung ang sapatos ni Michael Jordan na Jordan XIII ay nabili ng Php.121-M, ay isang lalaki naman sa Manchester, England ang sumailalim sa sampung oras na tattoo session para maitatak sa kanyang mga paa, ang paborito niyang Air Jordan na rubber shoes!
Biglaan at wala sa plano ng 44-anyos na si Blazej Ambrozak ang pagpapa-tattoo niya ng Air Jordans sa kanyang mga paa.
Napapagod na umano ito sa kabibili ng kanyang paboritong sapatos.
Masasabi niya na napakasakit ng desisyon niyang ito pero hindi niya ito pinagsisisihan dahil masusuot na niya hanggang pagtulog ang paborito niyang sapatos at hindi na niya kailangan bumili ulit.
Ayon kay Ambrozak, naisipan niya na magpatattoo ng rubber shoes sa kanyang paa dahil kakaiba ito at bihirang makakita ng tao na may ganitong klase ng tattoo.
Nang tanungin kung bakit Air Jordans ang ipina-tattoo niya, sinabi niya na ito ang pinakapaborito niyang klase ng sapatos
Ang Air Jordans ay basketball shoes na ginawa ng kompanyang Nike noong 1984 para sa Hall of Fame basketball player na si Michael Jordan. Unang inilunsad sa publiko ang sapatos na ito noong Abril 1, 1985.
Ito na umano ang masasabi niya sa experience na ito, ang pinakamasakit na karanasan sa buong buhay niya.
Pinaka nahirapan siya ay nang ang sakong at mga daliri sa paa na ang nilalagyan ng tattoo.